Malawak na bahagi ng reforestation area ng lokal na pamahalaan ang naapektuhan matapos sumiklab ang grass fire sa bayan ng Diffun, Quirino nitong Abril 7.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SF03 Jonathan Agustin, Officer-in-Charge ng Diffun Fire Station, sinabi nitong dakong alas-5:47 ng hapon nang ireport sa kanilang tanggapan ang insidente sa pamamagitan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Agad namang nag-augment ang kanilang hanay ng dalawang fire truck upang rumesponde sa nasabing sunog na umabot sa first alarm status.
Ayon kay SFO3 Agustin, tinatayang nasa 20 ektaryang reforestation area ng LGU Diffun ang nadamay kung saan humigit-kumulang 60% nito ang tinamaan ng apoy na may halagang umaabot sa P200,000.
Samantala, patuloy pang inaalam ng mga otoridad kung may pinsala rin sa bahagi ng barangay kung saan matatagpuan ang opisina ng PENRO at CENRO dahil sa kasalukuyan ay wala pa silang nakukuhang datos hinggil dito.
Nabatid na ang sunog ay naganap sa isang bundok na may cone-type na hugis at nasasakupan ng apat na barangay kabilang ang Andres Bonifacio, Maria Clara, Gabriel Silang at Liwayway, kung saan ang Brgy. Andres Bonifacio ang pangunahing nadaanan ng apoy.
Karamihan sa nasunog ay mga tuyong damo at ilang pananim sa lugar.
Sa kabila ng mabato at matarik na terrain ng bundok, nag-focus ang mga bumbero sa ibabang bahagi upang mapigilan ang paglapit ng apoy sa mga kabahayan.
Naideklarang contained ang sunog dakong alas-5:20 kaninang umaga at tuluyang idineklarang fire out alas-7:45 ng umaga.
Sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang nagmula ang sunog sa mga tuyong damo, at patuloy pang tinutukoy kung saang barangay ito nagsimula.
Ayon pa kay SFO3 Agustin, walang naitalang grass fire sa kanilang lugar noong 2025, subalit may mga nauna nang insidente sa parehong lugar bago ang nasabing taon dahil sa lawak at pagiging prone nito sa sunog.
Nagpasalamat naman ang Bureau of Fire Protection sa mga ahensyang tumulong sa pag-apula ng apoy upang maiwasan ang mas malawak pang pinsala.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko, lalo na ang mga residente ng apat na barangay, na iwasan ang pagsusunog ng mga tuyong damo at iba pang materyales dahil mabilis kumalat ang apoy sa ganitong kondisyon.
Hinikayat din ang publiko na agad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa hotline number na 0953-051-1519 upang mapabilis ang responde sakaling may mapansing sunog sa kanilang lugar.











