--Ads--

Umabot na sa mahigit limang insidente ng grass fire ang naitala sa iba’t ibang bahagi ng Santiago City ngayong umiiral ang dry season.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Jay-r Guillano, City Fire Marshal ng BFP Santiago, sinabi nitong batay sa kanilang datos, may tig-isang insidente ng grass fire sa Barangay Naggasican at Barangay Nabbuan, kung saan sa huli ay may kasama ring rubbish fire.
‎
‎Dalawa namang insidente ng grass fire ang naitala sa Barangay Patul, habang dalawa pa ang narespondehan sa Centro West.
‎
‎Binanggit din ng opisyal ang isang insidente noong nakaraang linggo na una umanong iniulat na sunog sa isang palengke, subalit kalaunan ay napatunayang false alarm lamang.
‎
‎Lumalabas na usok ito mula sa insecticide na pinausok, na napagkamalan lamang ng mga residente na may sunog.
‎
‎Isa sa pangunahing sanhi ng mga grass fire ay ang pagsusunog ng mga natitirang pananim matapos ang anihan.
‎
‎Kadalasan aniya, iniiwan ang mga sinusunog na bahagi ng bukirin, na nagiging dahilan upang kumalat ang apoy sa mga kalapit na lugar.
‎‎
‎Dahil dito, muling nanawagan ang BFP sa publiko na iwasan ang pagsusunog sa mga bukirin at lugar ng taniman upang maiwasan ang pagkakaroon ng sunog.
‎
‎Hinimok din ng opisyal ang mga residente na maging alerto at agad na tumawag sa BFP kung may napapansing apoy o usok, upang mapigilan ang pagkalat at masigurong ligtas ang komunidad.