--Ads--

Isang grass fire ang sumiklab sa Mt. Kabunian sa Bakun, Benguet noong Huwebes Santo, Abril 2.

Ayon sa Bakun Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC), natanggap nila ang unang ulat ng insidente dakong alas-6:50 ng gabi.

Aabot sa 18 lokal na turista ang apektado ng sunog, kabilang ang 11 turista at dalawang tour guide na nanatili sa summit, at pitong turista kasama ang isang guide na na-stranded sa Station 12 sa kahabaan ng foot trail.

Agad rumesponde ang mga emergency team, kabilang ang Bureau of Fire Protection, lokal na pulisya, mga opisyal ng barangay, at tour guides. Ligtas nilang naihatid ang pitong stranded hikers sa barangay hall pagsapit ng alas-2:45 ng umaga noong Biyernes Santo, Abril 3.

--Ads--

Kalaunan, inilikas din ang 11 hikers sa summit sa pamamagitan ng alternatibong ruta sa Bulisay, Kayapa, Nueva Vizcaya. Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa insidente.

Dahil sa insidente, pansamantala nang sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang lahat ng trekking at hiking activities sa bundok, kabilang ang pagpasok ng mga residente, turista, at iba pang indibidwal sa apektadong lugar, maliban sa mga awtorisadong tauhan.