--Ads--

CAUAYAN CITY- Ikinatuwa ng Grupo ng mga magsasaka ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa batas na nag-aamyenda sa RA No. 12078 o ang Agriculture Tarrification Act.

Sa ilalim ng bagong batas ay mas pinalawig ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng anim na taon at mas tumaas rin ang budget nito sa 30 Billion pesos mula sa 10B Piso.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Raul Montemayor, Manager ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na malaki ang maitutulong ng RCEF sa mga magsasaka ngunit kailangan lamang tiyakin na magagamit ng tama ang pondo.

Maganda rin aniya ang probisyon ng bagong batas na pagpapatigil sa importasyon ng bigas kapag bumbagsak ang presyo ng lokal na palay lalo na at sobra-sobra na ang imported rice sa merkado dahilan kaya’t naaapektuhan ang mga lokal na magsasaka.

--Ads--

Gayunpaman ay dapat pa ring magkaroon ng iba pang tugon ang Gobyerno sa problema sa presyo ng bigas at palay at hindi lamang basta naka-depende sa usapin ng importasyon.

Malaking bagay din aniya ang paggamit sa mga buffer stocks ng NFA para mapababa ang presyo ng bigas bagamat limitado lang ito sa mga Kadiwa Outlets.

Aniya, pag-aaaralan pa nila ang final version ng batas upang matiyak nila na ang mga gagawin nilang hakbang ay nakatuon sa bagong probisyon ng batas.