--Ads--

Inihahanda na ng grupo ng mga private healthworkers sa bansa ang kanilang sulat sa Department of Health o DOH dahil wala pa ring sagot si Secretary Ted Herbosa sa una nilang sulat patungkol sa hindi pa rin naibibigay na kanilang emergency allowance.

Muli rin nilang hinimok ang pamahalaan na ibigay na sa mga healthworkers ang ililipat na pondo mula sa Philhealth bilang kanilang health emergency allowance na napakatagal na panahon na nilang hinihintay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jao Clumia, spokesperson, Private Healthcare Workers Network, maigi na ito kaysa mapunta lamang ang nasabing pondo sa mga unprogrammed projects ng mga pulitiko.

Iginiit niya na karapatan ng mga healthworkers ang makatanggap ng benepisyo dahil sa kanilang sakripisyo sa nakaraang pandemya na halos malagay sa alanganin ang kanilang buhay ngunit kinailangan pa rin nilang pumasok sa trabaho dahil sa kanilang sinumpaang tungkulin.

--Ads--

Aniya hanggang ngayon ay wala pa ring sagot si Sec. Ted Herbosa ng DOH kung nasaan na ang pondo na sinasabi ng administrasyon na para sa kanila.

Kung wala pa ring sagot dito ang DOH ay nagbanta ang mga healthworkers ng kilos protesta sa harap ng kanilang tanggapan.

Sa katatapos na SONA ng Pangulong Marcos ay nangako itong maibibigay na ang mga benepisyo ng mga healthworkers ngunit wala pa rin silang natatanggap.

Aniya mas napagtutuunan pa ng administrasyon ang paglilipat ng holiday kaysa sa pagbibigay ng benepisyo ng mga healthworkers na karapat-dapat namang tumanggap dahil sa malaking ambag nila sa bansa.