--Ads--

Nasawi ang isang babaeng guro matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman sakay ng motorsiklo kagabi, Pebrero 13, 2026, sa Brgy. Cabaritan, San Manuel, Isabela.

Kinilala ang biktima bilang si Lullete Jane Ramilo, 32-anyos, guro at residente ng nasabing barangay.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jhun Ramilo, ama ng biktima, sinundo niya ang kanyang anak at dalawang apo gamit ang kanilang sasakyan pauwi sa bahay mula sa kanilang apartment. Pagdating sa bahay, bumaba siya upang buksan ang gate para maipasok ang sasakyan.

Napansin niya na naghihintay sa harapan ng kanilang bahay ang isang suspek bago magsimula ang pamamaril. Una niyang narinig na nagsalita ang suspek at kinumpirma ang target. Una umano siyang pinaputukan ngunit hindi tinamaan, kaya tumakbo siya sa loob ng compound para kumuha ng bagay para sa self-defense.

--Ads--

Nang siya ay bumalik, nakita niya na binaril na ang kanyang anak. Maswerteng hindi nadamay sa pamamaril ang dalawang anak ni Lullete na nasa loob ng sasakyan.

Agad niyang dinala si Lullete Jane sa Manuel A. Roxas District Hospital sa Roxas, Isabela, ngunit idineklara siyang dead on arrival (DOA) ng doktor.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek patungong National Highway sa Brgy. District 3, San Manuel, Isabela. Ayon kay Ginoong Ramilo, isa lamang ang nakita niyang suspek, ngunit posibleng may kasama dahil nagsalita ang unang suspek at may nakita rin silang basyo ng bala sa likod ng sasakyan.

Agad namang rumesponde ang mga kapulisan sa lugar ng insidente at narekober ang tatlong basyo mula sa cal. 45 na baril, at nagpatupad ng mahigpit na checkpoint sa posibleng dinaanan ng mga tumakas na suspek. Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa SOCO upang iproseso ang crime scene.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mahuli ang mga suspek at matukoy ang motibo sa pamamaril, kabilang na ang pag-backtrack sa mga CCTV cameras na nakahagip sa kanila.

Ayon kay Ginoong Ramilo, wala pa siyang ideya sa motibo ng pamamaril dahil pribado ang kanyang anak at hindi nagsasabi ng mga problema sa buhay. Emosyonal din siyang nanawagan sa mga suspek na sumuko at pagbayaran ang ginawa sa kanyang anak.

This is a developing story, refresh this post for updates.