--Ads--

Wala nang buhay nang matagpuan sa inuupahang kwarto ang isang guro sa Barangay Villasis, Santiago City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Osmundo Mamanao, Officer-In-Charge ng City Community Affairs and Development Unit ng Santiago City Police Office, sinabi niya na gumugulong na ngayon ang imbestigasyon sa pagkasawi ni Jhanmar Carbonel Eugenio, 31-anyos, binata, isang public school teacher na residente ng Greenland Homes Subdivision, Brgy. Plaridel, Santiago City. Natagpuan ang guro sa loob ng kaniyang boarding house nitong December 30, 2025.

Batay sa pagsisiyasat ng Santiago City Police Office (SCPO), pasado alas-11:20 ng umaga nang maipagbigay-alam sa kapulisan ang insidente.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Police Station 1 na umalis sa kaniyang boarding house ang biktima noong December 28 pasado ala-una ng hapon at hindi na umano nakita ng iba pang occupant’s ng boarding house.

--Ads--

Una rito, nagpalaba pa umano ng uniporme ang guro sa isang Ginang , nang ihahatid na sana ang mga pinalabhang damit, tumambad ang duguang mukha ng guro habang may nakapulupot na extension wire sa kaniyang leeg.

Agad na nagsagawa ng pagsusuri sa lugar na pinangyarihan ng krimen bago isinailalim sa autopsy ang labi upang matukoy kung may foul play sa pagkamatay ng guro.

Aalamin din ngayon ng pulisya kung sino ang huli niyang nakasama, sakaling mapatunayang nagkaroon ng foul play sa insidente.