Muling bumagsak ang halaga ng piso kontra dolyar, na nagtapos sa ₱59.17 nitong Miyerkules, mula sa ₱58.98 noong Martes, ayon sa Bankers Association of the Philippines (BAP).
Ayon kay John Paolo Rivera ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), humihina ang kumpiyansa ng merkado dahil sa isyu sa pamahalaan at mabagal na paglago ng ekonomiya, dahilan upang maging maingat ang mga investors.
Dagdag pa niya, maaaring manatili sa pagitan ng ₱59 hanggang ₱60 ang halaga ng piso kung hindi tataas ang dollar inflows mula sa remittances, turismo, o export.
Sinabi naman ni RCBC Chief Economist Michael Ricafort na posibleng makialam ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang pigilan ang sobrang pagbabago sa palitan at mapanatiling matatag ang piso.
Inaasahan naman na ang pagtaas ng remittances ngayong Kapaskuhan ay magbibigay ng pansamantalang ginhawa sa halaga ng piso.











