--Ads--

Mahigit 2,700 katao ang inilikas sa Northern at Central Luzon dahil sa patuloy na paglakas ng Super Typhoon Nando.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government o DILG, umabot sa 935 pamilya o 2,777 residente ang nailipat sa mas ligtas na lugar hanggang alas-7:50 ng gabi nitong Linggo.

Karamihan sa mga inilikas ay mula sa Cagayan, Aurora, at Apayao. Nagsagawa rin ng evacuation sa Ilocos Norte, Batanes, Isabela, Nueva Vizcaya, at ilang bayan sa Cordillera.

Pinuri ng DILG ang mabilis na aksyon ng mga lokal na pamahalaan at ipinaalala na ang pre-emptive evacuation ay tungkulin ng pamahalaan at ng komunidad upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.

--Ads--

Muling inatasan ng DILG ang mga LGU na ipatupad ang mandatory evacuation sa mga high-risk na lugar, ang liquor ban, at ang no-sail policy sa mga baybaying dagat. Tiniyak din na may sapat na pagkain, tubig, at gamot sa mga evacuation center.