--Ads--

SA LUNSOD NG ILAGAN – Nakapagtala na ang mga kasapi ng Medical Team ng isandaan siyamnapu’t limang medical emergencies sa loob ng limang araw na Philipine Little League Baseball series.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Red Cachapero, City Health Officer 1, at namumuno sa mga medical team sinabi niya na ang karamihan sa mga naitatala nilang problema ay banggaan ng mga players dahil sa intensity ng mga laban.

Kadalasan ay nagkakauntugan ang mga players sa kagustuhang manalo dahilan kaya sila nasusugatan at kung minsan ay nahihilo.

May kinailangan ding dalhin sa ospital na isang bata matapos mawalan ng malay nang makabanggan ang kanyang kalaban subalit nakalabas na at nasa mabuti nang kalagayan.

--Ads--

Maliban sa mga batang manlalaro ay marami ring nagiging problema ang mga coaches lalo na ang mga may edad dahil sa init ng panahon kaya karamihan sa kanila ay nahihilo o di kaya ay inaatake ng high blood.

Ayon sa medical team bagamat maraming naitalang medical situation sa torneo ay masasabi pa ring very satisfactory ang pagdiriwang ng Philipine Little League Baseball series dahil napaghandaan nila itong mabuti.