CAUAYAN CITY – Sinira ng mga kapulisan ang humigit kumulang isang bilyong halaga ng marijuana sa siyam na araw na marijuana eradication sa bayan ng Tinglayan, Kalinga.
Sa Exclusive Interview ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Joel Estaris, Chief ng PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit Cordillera sinabi niya na base sa kanilang monitoring ay patuloy tumataas supply ng marijuana sa iba’t ibang rehiyon sa bansa at napag-alaman na karamihan sa kanilang source ay nagmumula sa Cordillera Administrative Region.
Aniya dahil dito ay nagsagawa sila ng air surveillance gamit ang mga drones sa mga bulubundukin ng Kalinga at dito nga nila nadiskubre ang tatlumpu’t dalawang marijuana plantation.
Kung pagsasama-samahin umano ang lawak ng mga plantation ay aabot ito ng labindalawang ektarya.
Dito na sila bumuo ng dalawang grupo kung saan ang isang grupo ay naglakad ng anim na oras mula sa bayan ng Buscalan paakyat ng Tinglayan bago narating ang mga marijuana plantation sa taas ng bundok.
Nakarating naman ang isang grupo sa bundok na may taas na humigit kumulang dalawang libong metro sa pamamagitan ng mga black hawk helicopters ng Philippine Air Force.
Kitang kita rin na aktibo ang pagtatanim ng marijuana sa lugar at nakita ang ilang bahagi ng kabundukan na sinunog upang pagtaniman.