CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ng mga kasapi ng San Mariano Police Station ang dalawang hindi pa nakilalang suspek na nanghold-up sa mga sakay ng isang sasakyan sa Lansangan na bahagi ng Brgy Santa Filomena, San Mariano, Isabela.
Ang mga biktima ay sina Dante Martin, 36 anyos, may asawa, isang salesman, at residente ng barangay District 1, Benito Soliven; Mario Casanding, 32 anyos, may-asawa, isang helper, at residente ng Barangay District 2, Benito Soliven; Danny Monzon, 27 anyos, may asawa, isang helper, at residente ng Yeban Sur, Benito Soliven at Domingo Corpuz, 50 anyos, may asawa, isang tsuper, at residente ng District 2, Benito Soliven.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Inspector Fredimer Quitevis, hepe ng San Mariano Police Station, sakay umano ng Forward Truck ang mga biktima nang magparada sila sa lansangan na bahagi ng Barangay Santa Felomina para magpahinga.
Matapos ang ilang sandali ay dumating ang dalawang lalaking suspek na nakasuot ng helmet at nanutok ng baril sa mga biktima at nagdeklara ng hold-up.
Nagtakbuhan ang mga biktima at nakuha ng mga suspek ang bag na naiwan sa truck na naglalaman ng Php779,000.00 na koleksyon ng mga biktima.
Sa ngayon anya ay sinusuri na ng kapulisan ang ilang kuha ng CCTV na malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Nagsagawa na ng hot pursuit operation ang San Mariano Police Station katuwang ang 86th Infantry Batallion Philippine Army para sa pagkakadakip ng mga suspek na tumakas paloob sa bayan ng Sta. Maria, Isabela.