CAUAYAN CITY- Namatay ang isang magsasaka makaraang tagain ng hinihinalang kalaguyo ng kanyang misis sa Alfonso Lista, Ifugao.
Ang biktima ay Rudy Martines,58 anyos ng barangay San Jose Alfonso Lista, Ifugao ngunit tubong Quezon Province at ang suspek ay si Jaime Ortiz, 60 anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PO1 Alvaro Siclegen, tagasiyasat ng Alfonso Lista Police Station na ang biktima ay nagtungo sa bahay ng suspek dahil hinahanap niya ang kanyang maybahay.
Wala namang nakakaalam kung nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek subalit kaninang madaling araw ay ipabatid sa himpilan ng pulisya ni Punong Barangay Ruben Sabado na may patay sa harapan ng bahay ni Ortiz.
Nagtungo ang mga alagad ng batas sa nasabing lugar at nakita ang bangkay ng biktima.
Sa pagsisiyasat ng pulisya , halos maihiwalay ang ulo sa katawan ang biktima dahil sa tinamong taga sa kanyang leeg at maging ang kanyang tenga ay muntik ding maihiwalay sa katawan
Nauna rito ay nag-usap usap sa kanilang barangay ang biktima at pinaghihinalaan dahil sa may hinala si Martinez na may relasyon ang kanyang asawa sa pinaghihinalaang si Ortiz.
Nang tawagan ng mga pulis ang asawa ng biktima ay sinasabing nasa bayan ng Aurora, Isabela.




