CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) Isabela na sapat ang nalalabing dalawang linggo para mailatag ang mga ipatutupad na health protocol bago ang pagbubukas ng coninuing registation sa September 1, 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo, provincial Election supervisor ng COMELEC Isabela, sinabi niya na mga lugar lamang na nasa General Community Quarantine (GCQ) o Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang magbubukas para sa Continuing Registration sa mga tanggapan ng COMELEC sa unang araw ng Setyembre.
Ayon kay Atty. Castillo, bago ang August 25, 2020 ay makikipag-ugnayan ang mga local election officer sa mga health authorities para matiyak na masusunod ang mga safety standards sa mga tanggapan ng COMELEC.
Dagdag pa ni Atty. Castillo, pansamantalang magiging limitado ang oras sa pagtanggap ng aplikasyon ng mga magpaparehistro.
Hinihiling nila sa mga aplikante na dapat dati nang napunan ng mga aplikante ang mga kailangang impormasyon sa application form ngunit ang pagpirma at biometrics ay dapat gawin ng aplikante sa mismong harap ng election officer.
Imumungkahi rin ang paglilimita sa mga aplikasyon na iproposeso ng mga tanggapan ng COMELEC,
Limitado sa 20 na aplikasyon bawat araw ang kanilang ipoproseso ngunit kailangan muna ng COMELEC na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan o barangay kapitan para maipatupad ito.
Mahigpit din ang health protocol na ipatutupad sa bawat tanggapan ng COMELEC tulad ng ‘No face mask no entry Policy’ at ang mga aplikante ay dapat nakasuot ng face mask at face shield habang kinukunan ng biometrics maliban lamang kung kukunan sila ng litrato.
Pinag-aaralan na rin ng COMELEC-Isabela ang paggamit ng barrier sa kanilang mga tanggapan habang pansamantalang itititgil ang satellite registration sa bawat barangay.
Magiging bukas lamang ang tanggapan ng COMELEC para sa mga aplikasyon mula araw ng Martes hanggang Sabado kabilang ang holiday.
Dagdag pa ni Atty castillo na otomatikong masususpinde ang pagpaparehistro sa COMELEC sakaling ang bayan o lunsod na kabilang sa GCQ ay muling isinailalim sa ECQ o MECQ.
Gayunman agad ding babalik o bubuksan ang pagpaparehistro sa tanggapan kapag binawi na ang ECQ o MECQ sa isang bayan o Lunsod.






