--Ads--

Kinumpirma ng Philippine Air Force (PAF) noong Biyernes na bumagsak ang isa nitong chopper mula Davao na may sakay na anim na katao sa Agusan del Sur noong tanghali ng Martes.

Ayon sa PAF, isa sa kanilang Super Huey helicopters ang bumagsak malapit sa himpilan ng 60th Infantry Battalion sa nasabing lalawigan.

Sa pahayag ng PAF, ang naturang aircraft ay bahagi ng apat na helicopter na lumipad mula Davao patungong Butuan upang magsagawa ng Rapid Damage Assessment.

Dagdag pa ng Eastern Mindanao Command, nakatalaga rin ang Super Huey sa Humanitarian Assistance and Disaster Response mission para sa Tropical Storm Tino.

--Ads--

Ayon sa ulat, umalis ang helicopter mula Davao bandang alas-10:55 ng umaga. Ngunit pagsapit ng alas-11:37 ng umaga, nawalan ito ng komunikasyon, at nakumpirma ang pagbagsak bandang alas-11:56 ng umaga.

Patuloy pa rin ang search and rescue operations para sa mga nawawalang sakay, ayon sa PAF.

Ito na ang ikalawang insidente ng pagbagsak ng sasakyang panghimpapawid ng PAF ngayong taon.


Noong Marso, dalawang piloto ng PAF ang nasawi matapos bumagsak ang isang FA-50 fighter jet malapit sa Mt. Kalatungan Complex sa Bukidnon.