Dalawang crew ng helicopter na ginagamit sa paglaban sa mga wildfire sa Indonesia ang nasagip matapos bumagsak sa Barito River sa South Kalimantan province nitong Linggo, habang patuloy na pinaghahanap ang isa pang miyembro ng crew.
Kinumpirma ni Berton Panjaitan, tagapagsalita ng National Disaster Mitigation Agency, na ligtas ang dalawang Australian national na sakay ng helicopter habang nawawala pa ang isang Indonesian crew member.
Batay sa paunang ulat, naganap ang aksidente habang nagsasagawa ng water-bombing operation ang helicopter at sumasalok ng tubig mula sa ilog gamit ang tinatawag na Bambi Bucket.
Sa kumalat na video, makikitang unti-unting bumababa ang helicopter bago tuluyang bumulusok nang paharap sa ilog.
Pag-aari ng isang kumpanyang kinontrata ng disaster mitigation agency ang Eurocopter EC225LP Super Puma na sangkot sa insidente.
Ito na ang ikalawang aksidente ng isang firefighting helicopter sa Borneo sa loob lamang ng ilang araw. Noong Miyerkules, bumagsak din sa karagatan ang isang military helicopter sa Borneo na ikinasawi ng tatlong katao.
Samantala, patuloy na nakikipaglaban ang Indonesia sa malawakang wildfire na tumupok na sa mahigit 1.9 milyong ektarya ng kagubatan at iba pang lupain sa Sumatra, Borneo at Papua.
Pinalalala umano ng malakas na El Niño phenomenon ang mga sunog dahil sa matinding tagtuyot na nararanasan sa bansa.





