Natakdang tumestigo si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan District Engineer Henry Alcantara laban kay dating Congressman Elizaldy Co sa Sandiganbayan sa Marso 23 kaugnay ng bilyong-bilyong anomalya sa flood control projects.
Ipinaalam ng prosekusyon sa sixth division ng anti-graft court na tatayo bilang testigo si Alcantara.
Maaalalang, iniuugnay ni Alcantara si Co bilang “top proponent” ng mga insertion sa pambansang pondo, na nagresulta sa umano’y kickback na nagkakahalaga ng P181 milyon.
Ang limpak na pera ay inihatid umano kay Co, na nagpapatunay sa mga paratang ni Alcantara sa pamamagitan ng mga ebidensya.
Iniugnay din si Co sa isang P289-milyong kaso ng malversation at graft sa Oriental Mindoro, kung saan nakatanggap umano ng “balato” o share si Usec. Roberto Bernardo mula kay Co sa pamamagitan ni Alcantara.
Sa ngayon, nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) si Alcantara na nauna nang tumestigo sa mga pagdinig sa Senado kaugnay sa maanomaliyang infrastructure projects.











