Pinag-aaralan ng House mega panel na tumutugon sa krisis sa enerhiya ang mungkahing palitan ang kalahati ng mga sasakyan ng gobyerno ng electric vehicles (EVs), ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo.
Ayon kay Quimbo, natalakay ang panukala sa unang pagdinig ng multi-committee Legislative Energy Action Development (LEAD) Council, kung saan iminungkahi ang unti-unting paglipat sa EVs bilang bahagi ng mas malawak na energy reforms.
Layunin nitong mabawasan ang epekto ng paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng langis at bawasan ang pagdepende ng transport sector sa petrolyo.
Giit ni Quimbo, isa ito sa pinakamabilis at praktikal na hakbang upang tugunan ang oil dependence ng bansa, kasabay ng pagsusulong ng paggamit ng renewable energy, solar, at battery technologies.
Binigyang-diin din niya na nananatiling malaki ang konsumo ng langis sa transportasyon kumpara sa ibang sektor, kaya mahalaga ang paglipat sa mas malinis na enerhiya.
Ang LEAD Council, na binubuo ng 13 komite ng Kamara, ay nakatuon sa pagbuo ng agarang solusyon at pangmatagalang polisiya laban sa epekto ng global energy shocks.











