Bilang pagkilala sa natatanging sakripisyo, dedikasyon, at kabayanihan, isinagawa ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang Heroes’ Welcome para sa 175 na mga kapulisan mula sa Lambak ng Cagayan na nagsilbing Special Electoral Board (SEB) sa katatapos na 2025 elections sa Maguindanao.
Ginanap ang seremonya sa PRO2 Grandstand, kung saan mainit na sinalubong at binigyang parangal ang mga kapulisan na boluntaryong nagserbisyo sa mga COMELEC-controlled areas sa BARMM upang matiyak ang maayos, ligtas, at mapayapang halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin ang tagapagsalita ng Police regional Office 2, sinabi niya na ilan sa mga karanasan ng mga Pulis na na deploy sa BARMM ay ang pagiging susi nila sa maayos at tapat na halalan sa Maguindanao.
Dahil sa ilang usapin sa seguridad sa Maguindanao ilan sa mga pulis ang hindi na nakakain at nagkaroon ng kakulangan ng tustus ng tubig.
Naging saksi din sila sa tunay na kalagayan sa BARMM gayunman nagpapasalamat sila dahil sa walang anumang karahasan na naganap sa mismong araw ng halalan.
Bahagyang nagkaroon din ng tensyon dahil sa hindi pag sang-ayon ng dalawang kandidato sa mga naitalagang watchers kaya kinailangan ng pumasok ng PNP at magsilbing Electoral Board.
Naging maayos naman ang transporting ng election paraphernalia dahil sa ibinigay sa security ng PRO BARMM.
Sa katunayan umabot sa 3,600 na pulis ang deployed sa Maguindanao noong halalan kung saan nakatuwang nila ang iba pang Regionasl Police Offices para sa pagbabantay sa halalan.
Bilang pagkilala sa kanilang natatanging ambag, ginawaran ang bawat pulis ng parangal at token bilang pasasalamat. Dinaluhan ang programa ng mga opisyal mula sa iba’t ibang yunit ng PNP, mga miyembro ng pamilya ng mga contingent, at miyembro ng PRO2 Press Corps.
Matapos ang opisyal na programa, pinagsaluhan ng mga kapulisan ang isang boodle fight bilang simbolo ng pagkakaisa, pasasalamat, at tagumpay ng PRO2 katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng halalan, hindi lamang sa BARMM kundi sa buong rehiyon dos.









