--Ads--

Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na libu-libong Pilipinong seafarers ang kasalukuyang na-stranded sa Strait of Hormuz habang nagpapatuloy ang tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro, humigit-kumulang 4,862 Pilipinong seafarers ang kabilang sa 20,000 seafarers mula sa iba’t ibang bansa na naipit sa mahalagang ruta.

Karamihan sa mga barkong naipit din ay mga oil at gas tankers at cargo ships na hindi makadaan dahil sa tumitinding alitan sa rehiyon.

Sinabi ng DFA na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga kinauukulang bansa upang matiyak ang kaligtasan at posibleng ligtas na paggalaw ng mga Philippine-flagged ships.

--Ads--

Ayon sa datos, mula sa karaniwang 3,000 barkong dumadaan buwan-buwan sa Strait of Hormuz, bumaba ito sa 200 sa unang linggo ng Abril dahil sa lumalalang digmaan.

Maaalalang nagsagawa na ng diplomatic requests ang Pilipinas sa Iran para pahintulutan ang pagdaan ng ilang barko ng bansa sakay ang mga Pilipinong tripulante.

Bagama’t wala pa ring konkretong kasunduan, tiniyak ng DFA na patuloy ang kanilang negosasyon sa Iran.