CAUAYAN CITY – Stranded ang nasa 50 turista sa lalawigan ng Batanes dahil sa pananalasa ng bagyong Marce.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, Regional Director ng DOT Region 2, sinabi niya na nakatakda sana silang I-rescue ng Philippine Air Force kaninang umaga subalit naantala ito dahil nagka-emergency ang air force at kinakakilangan nilang lumipad sa ibang ruta.
Gayunpaman ay nakarating naman sa Batanes ang ilang mga light planes na galing sa Tuguegarao City na may dalang mga Relief Goods.
Samantala, kasalukuyan ang ginagawang consolidation ng Department of Tourism Region 2 sa mga Tourism destinations at establishments na napinsala ng bagyong Marce.
Sa ngayon ay ang bayan pa lamang ng Sabtang, Batanes ang nakakapagsumite ng damage report maging ang bayan ng Sta. Ana at Ballesteros sa Lalawigan ng Cagayan.
Karamihan umano sa mga napinsala ay mga Tourism Establishements kagaya ng Hotels, Motels, maging ang Homestays.
Hindi naman aniya gaanong napinsala ang mga Tourism destination dahil napaghandaan umano nila ang pagtama ng bagyo kung saan inihinto pansamantala ang operasyon ng mga ito.
Nilinaw naman niya na ang tanging kinoconsolidate ng kanilang tanggapan ay ang mga DOT Accredited Tourism Establishment at Destinations kung saan isusumite nila ang damage report sa Central Office para sa tulong pinansiyal.