Naglabas ng special permit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa 1,297 bus bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, layunin ng hakbang na matiyak ang sapat na bilang ng bus para sa mga biyaheng probinsya, lalo na’t mas maraming Pilipino ang inaasahang gagamit ng pampublikong transportasyon dahil sa mataas na presyo ng gasolina.
Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ilang operator ang nagbawas ng biyahe patungong Batangas City, San Jose, Nueva Ecija at Pangasinan dahil sa gastusin sa krudo, ayon kay PITX spokesperson Jason Salvador.
Sa Baguio City, binawasan ng mga bus company ang biyahe ng 30–50%, dahilan ng mas mahabang paghihintay ng mga pasahero. Ayon sa BCPO-TEU chief Police Lt. Col. James Allen Dogao, umabot sa dalawang oras o higit pa ang pagitan ng biyahe kumpara sa karaniwang 30 minuto hanggang isang oras.
Inaasahan naman ang 2.46 milyong pasahero sa mga pantalan, mas mataas ng 50,000 kumpara noong nakaraang taon. Pinapayuhan ang mga biyahero na mag-book ng maaga at dumating apat na oras bago ang alis.
Habang tinatayang 6.5 milyong pasahero sa 44 paliparan mula Marso 29–Abril 5, tumaas ng 7–10% kumpara sa mga nakaraang taon.
Nasa 17,000 personnel ang nakadeploy sa mga pantalan, kasama ang rescue swimmers, medics at sea marshals. Mahigpit na ipinatutupad ang inspeksyon bago ang biyahe at paggamit ng K-9 units.
Magpapatupad naman ng code white alert mula Marso 30–Abril 6 sa lahat ng ospital at health facilities upang maging handa sa mga aksidente at emerhensiya.











