--Ads--

Tiniyak ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan na handa na sila para sa paggunita ng Semana Santa, na magsisimula sa susunod na linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na masusing inihanda ang kanilang plano sa pagbabantay dahil magkakasunod ang mga aktibidad sa lungsod, kabilang ang mga kaganapan para sa Semana Santa at ang Cityhood Anniversary ng Cauayan.

Isa sa pangunahing tututukan ng POSD ngayong Holy Week ay ang mga areas of concern sa bawat rehiyon ng lungsod, kung saan magde-deploy ng personnel sa kani-kanilang designated Area of Responsibility (AOR) katuwang ang PNP-HPG, LTO, at iba pang force multipliers.

Babantayan nila ang mga terminals, resorts, ilog, at iba pang tourist destinations na dinarayo ng mga bisita tuwing Semana Santa. Tiniyak ni POSD Chief Mallillin na may sapat na life savers, first aid kits, at iba pang kagamitan sa mga resort at iba pang destinasyon para sa kaligtasan ng publiko.

--Ads--

Dagdag pa niya, magkakaroon ng continuous monitoring at regular patrols upang maiwasan ang aksidente tulad ng pagkalunod, krimen, at iba pang panganib sa panahon ng peak travel season.

Maglalagay rin ang POSD ng restriction o warning signs sa mga ilog na ipinagbabawal puntahan para sa picnic o swimming dahil sa panganib ng pagkalunod.

Nilinaw naman ni Chief Mallillin na hindi ipagbabawal ang pagdadala ng inuming alak sa mga resort o picnic sa ilog, ngunit pinayuhan ang publiko na maging responsable at tiyaking ligtas na makakauwi pagkatapos ng kasiyahan.