--Ads--

Umabot na sa 5,180 ektarya ng pananim sa Region 2 ang naitalang napinsala sa pananalasa ng Bagyong Paolo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DA Regional Technical Director Kay Olivas, pangunahing naapektuhan ang mga taniman ng palay. Bagamat may pag-asa pa itong makarekober, tinatayang nasa P66 milyon ang halaga ng pinsala.

Ayon pa kay Olivas, mula ito sa 3,699 ektarya ng mga nasirang taniman sa rehiyon. Partially damaged lamang aniya ang karamihan, kaya may posibilidad pang makabawi, maliban sa 31 ektarya ng palayan na tuluyang nasira matapos matumba dahil sa malakas na hangin at malubog sa baha.

Sa kabuuan, tinatayang nasa 9,038 metric tons ng pananim ang napinsala, na may katumbas na halaga ng P162.7 milyon.

--Ads--

Sa sektor naman ng mais, lalo na ang yellow corn, umabot sa 1,261 ektarya ang naitalang napinsala, na may kabuuang P11 milyon na value loss.

Para naman sa high-value crops, partikular sa mga lowland vegetables, tinatayang nasa P85 milyon ang halaga ng pinsala.

Pinakamalaking pinsala ang naitala sa lalawigan ng Quirino, kung saan umabot sa 3,587 ektarya ang naapektuhan, na may tinatayang P64 milyon na value loss.

Sa Isabela, nasa 682.78 ektarya lamang ang nasira, ngunit lumaki ang halaga ng pinsala dahil sa pagkasira ng mga high-value crops. Kabilang dito ang 482 ektarya ng yellow corn at 10 ektarya ng white corn.

Sa Cagayan, maraming pananim ng palay at mais ang muling nabaha at nasira, una sa pananalasa ng Bagyong Nando at muli sa Bagyong Paolo. Batay sa datos ng DA, nasa 310 ektarya ang naapektuhan sa lalawigan, na may katumbas na pinsalang P3 milyon.