--Ads--

Umabot na sa mahigit tatlong bilyong pisong pinsala sa sektor ng agrikultura sa pananalasa ng tatlong magkakasunod na bagyo sa Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2 sinabi niya na batay sa mga isinumiteng datos ng bawat lalawigan sa lambak ng Cagayan umabot na sa P3.26 bilyon ang naitalang pinsala sa agrikultura sa Region 2.

Aniya subject for validation pa naman ito kaya maaring magbago pa ang datos.

Sa agricultural crops at livestocks ay umabot sa P2.61 bilyon ang estimated na value of losses.

--Ads--

Pinakamarami naman dito ang high value crops mula sa Quirino at Nueva Vizcaya na lubhang napinsala at umabot sa P2.2 bilyon ang estimated value of losses.

Umabot naman sa P284 milyon ang naitalang pinsala sa pananim na palay sa rehiyon kung saan nasa P196 milyon ang mula sa Isabela na sinundan ng Quirino na may P41 milyon na estimated value of losses.

Ang Nueva Vizcaya ay nakapagtala rin ng P24 milyon na halaga ng pinsala habang ang Cagayan ay nakapagtala ng P22 milyon na estimated value of losses sa palay.

Sa mais, bagamat 90% nang harvested ang pananim sa rehiyon ay may mga bagong tanim na kaya ito ang nasira sa sunud-sunod na pananalasa ng mga bagyo.

Umabot naman sa P62 milyon ang kabuuang pinsala sa pananim na mais at pinakamarami rito ay mula sa Nueva Vizcaya at Isabela.

Umabot naman sa P269 milyon ang naitalang sira sa agricultural infrastructure sa rehiyon pangunahin sa mga irigasyon ng National Irrigation Administration o NIA at pinakamalaki rito ay mula sa Isabela na nasa P148 milyon.

May nasira ring dam and reservoir na umabot sa P25 milyon ang halaga ng pinsala.

Ayon kay Regional Executive Director Aquino nagpapatuloy pa ang damage assessment ng DA Region 2 sa ibat ibang lugar sa rehiyon kaya ang nasabing datos ay maari pang madagdagan.