Umabot na sa mahigit sampung libong indibidwal ang inilikas sa lalawigan ng Cagayan dahil sa pananalasa ng bagyong Marce.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Alvin Ayson ng Office of Civil Defense o OCD Region 2 sinabi niya na batay sa report na kanilang natanggap mula sa mga LGUs ay umabot na sa 3,762 na pamilya o kabuuang 10,847 na indibidwal ang isinailalim sa preemptive evacuation.
Mula pa kahapon ay nakaranas na ng kawalan ng tustos ng kuryente ang mga bayan ng Lallo, Allacapan, Pamplona, Calayan at Ballesteros.
Nakaranas ang lalawigan ng malakas na buhos ng ulan at malakas na hanging dala ng bagyong Marce bago pa man ito maglandfall kahapon.
Batay sa kanilang monitoring nagsagawa ng emergency rescue operation ang Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office o MDRRMO-Gonzaga sa barangay Tapel kung saan nasa limampung indibidwal ang inilikas
Ilang overflow bridge naman ang hindi na pwedeng daanan sa Peñablanca, Baggao dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog habang ang isang tulay naman sa Sto Niño ay bukas lamang sa mga light vehicles.
Sa bahagi naman ng Isabela ay hindi na madaanan ang Dimalao bridge sa Dinapigue Isabela, Cabagan-Sto. Tomas bridge, Sta. Maria-Cabagan bridge at Turod Banquero bridge sa Reina Mercedes Isabela.
Patuloy naman ang kanilang monitoring sa mga LGUs kaugnay sa mga isinasagawang preemptive at forced evacuation sa mga apektadong residente.