
CAUAYAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis sa isinagawang drug buy-bust operation kagabi sa Marabulig I, Cauayan City.
Ang nasawi ay si Dancel Madronero , bodegero, nasa tamang edad, hiwalay sa asawa at residente ng nasabing barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police station, matagumpay na nakabili kay Madronero ng isang pakete ng hinihinalang shabu ang pulis na nagpanggap na poseur/buyer.
Gayunman, nang makatunog si Madronero na pulis ang kanyang katransaksiyon ay bumunot umano ng baril at pinaputukan ang pulis na hindi tinamaan.
Agad namang nakaganti ng putok ang pulis at nabaril si Madronero na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kanyang dibdib.
Nakuha sa lugar ang isang pakete ng shabu at Caliber 38 na baril na ginamit ni Madronero.
Ang kanyanbg bangkay ay dinala sa isang punerarya sa Cauayan City.
Samantala, hindi naniniwala ang pamilya ni Madronero na sangkot siya sa illegal na droga.
Sinabi ng kanyang hipag na si Analiza Madronero na mabait ang kanyang bayaw at nagsisikap para maibigay ang pangangailangan ng kanyang anak na 3 at 5 anyos.










