--Ads--

Patuloy ang imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station kaugnay ng pamamaril na naganap sa Purok 3, Barangay Cabisera 27, City of Ilagan, Isabela bandang 6:35 kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Noralyn Andal, Information Officer ng City of Ilagan Police Station, ang biktima ay kinilalang si Narciso Marin, 58-anyos, isang magsasaka at residente ng nasabing lugar. Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi na si Marin mula sa kanyang taniman ng tabako kasama ang anak na si Joe Marin at magkaangkas sila sa magkahiwalay na motorsiklo nang sundan ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng asul na Honda PCX.

Bigla umanong nagpaputok ang back rider at tinamaan si Marin sa likod bago tumakas ang mga suspek patungong Barangay Villa Imelda. Agad namang rumesponde ang mga opisyal ng barangay at dinala ang biktima sa isang ospital, ngunit idineklarang na in itong patay.

Ayon sa pulisya, liblib at napapalibutan ng taniman ng mais ang lugar ng insidente, at tinatayang aabutin ng 45 minutong biyahe bago ito marating, na posibleng nakaapekto sa agarang pagresponde.

--Ads--

Hindi rin nakilala ng anak ng biktima ang mga salarin, ngunit tiniyak ng pulisya ang masinsinang imbestigasyon upang matukoy at mahuli ang mga ito. Narekober din sa pinangyarihan ang isang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril.