Sisimulan na ng House prosecution panel ang paglalatag ng ebidensya sa umano’y hindi tamang paggamit ng ₱612.5 milyon na confidential funds ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senate impeachment court.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, lead prosecutor para sa Article 1, ihaharap nila ang mga dokumento, testigo at iba pang ebidensya upang patunayan ang mga akusasyon laban sa Bise Presidente.
Nakasaad sa Article 1 ang umano’y maling paggamit ni Duterte ng confidential funds noong siya ay Vice President at kalihim ng Department of Education (DepEd).
Kabilang sa mga unang testigo sina dating Land Bank branch managers Violeta Constantino at Nenita Camposano. Inatasan din ng impeachment court ang House Legislative Archives na magsumite ng mga kaugnay na rekord ng impeachment proceedings.











