--Ads--

Pinaghahandaan ng House prosecution panel ang mas mabilis na pagmamarka ng libu-libong dokumentaryong ebidensya kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte upang matiyak na matutuloy ang paglilitis sa itinakdang petsa sa Hulyo 6.

Sa isang press briefing, inamin nina House Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro at Rep. Joel Chua na mabagal pa ang kasalukuyang takbo ng pagmamarka ng mga dokumento dahil sa dami ng mga ebidensyang kailangang suriin.

Ayon kay Luistro, napakarami ng mga dokumentong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds kaya naging hamon ang pagtapos sa proseso bago ang itinakdang deadline ng pre-trial.

Sa kasalukuyan, apat na grupo ang nakatalaga sa pagmamarka ng mga ebidensya, kung saan tatlo ang nakatuon sa confidential funds at isa naman sa usapin ng umano’y unexplained wealth.

--Ads--

Dahil dito, humiling ang prosekusyon sa Senado na payagan ang pagdaragdag ng mga working team at pagsasagawa ng trabaho kahit sa katapusan ng linggo upang mapabilis ang proseso.

Sinabi rin ni Luistro na mas maaga sanang matatapos ang pre-trial conference kung pumayag ang kampo ng depensa na isang beses lamang markahan ang mga magkakatulad na dokumento. Gayunman, tumutol ang depensa at iginiit na dapat magkaroon ng hiwalay na pagmamarka para sa kanilang mga dokumento kahit pa magkapareho ang mga ito.

Samantala, kinumpirma ni defense spokesperson Michael Poa ang pagtanggi nila sa mungkahi ng prosekusyon, iginiit na kinakailangang maingat na maproseso ang bawat dokumentong gagamitin sa paglilitis.

Batay sa tala, umabot na sa 276 exhibits ang naihain ng prosekusyon habang 248 naman ang mula sa kampo ng depensa.

Ayon sa Senate Secretariat, mahigit 4,000 dokumento ang saklaw ng Article I ng impeachment complaint na tumutukoy sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, dahilan upang lalo pang maging masalimuot ang proseso ng pre-trial.