Iginiit ng House prosecution panel na hindi nila papayagan ang anumang hakbang na maaaring makapagpabagal o makapagpatigil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Renee Co, may tungkulin ang Senado na ituloy ang paglilitis alinsunod sa Konstitusyon at tiyaking walang magiging sagabal sa proseso.
Binigyang-diin ng mga prosecutor na ang karagdagang pagkaantala sa impeachment proceedings ay maaaring magdulot ng pagkadismaya sa publiko na matagal nang naghihintay sa pagdinig ng mga alegasyon laban sa bise presidente.
Samantala, sinabi ni Lanao del Sur First District Representative Zia Alonto Adiong na bagama’t sumusunod ang depensa sa mga kautusan ng impeachment court, mahalagang magbigay rin ito ng malinaw na paliwanag at ebidensiya upang tugunan ang mga paratang.
Patuloy namang inihahanda ng House prosecution panel ang kanilang mga ebidensiya at mga saksi habang hinihintay ang pormal na pagsisimula ng impeachment trial laban kay Sara Duterte sa Senado.











