Wala pang pinal na desisyon ang House prosecution panel kaugnay ng pagbahagi ni Senator-Judge Pia Cayetano ng umano’y spliced at edited na video ng naging palitan nina Senador Alan Peter Cayetano at House Prosecutor Rep. Chel Diokno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lead Prosecutor at Batangas 6th District Representative Gerville Luistro, batid ng buong prosecution panel ang insidente gayundin ang mga naging reaksiyon at puna ng publiko, ngunit wala pa silang napagkakasunduang opisyal na posisyon hinggil dito.
Sinabi ni Luistro na pinag-uusapan na ng mga prosecutor ang usapin, kabilang ang posibilidad ng pagpapabatid nito sa Senate Impeachment Court, subalit wala pa umanong pinal na hakbang na napagdedesisyunan sa ngayon.
Samantala, naninindigan ang House prosecution panel na mas mainam kung susundin ang prosecution-defense format sa presentasyon ng ebidensiya sa impeachment trial, ngunit isasagawa ito batay sa bawat artikulo ng impeachment complaint.
Ipinaliwanag ni Luistro na tinanong ng impeachment court ang magkabilang panig kung sang-ayon silang gamitin ang naturang sistema upang mas maging organisado at malinaw ang pagtalakay sa bawat artikulo ng kaso.
Ayon sa kanya, makatutulong ito upang mas madaling maikumpara ng mga senator-judge at ng publiko ang mga ebidensiya at testimonya ng prosecution at defense para sa bawat artikulo.
Dagdag pa niya, kung susundin ang tradisyunal na paraan kung saan unang ilalahad ng prosecution ang lahat ng artikulo bago makapagpresenta ang depensa, maaaring mahirapan na ang publiko at maging ang mga senator-judge na maalala ang mga naunang testimonya at ebidensiyang iniharap sa paglilitis.











