--Ads--

Mariing itinanggi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang alegasyong may naganap na budget insertions sa bicameral conference committee (BICAM) deliberations para sa 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ang tugon ng Speaker sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na nagsasabing ang kaniyang distrito ang may pinakamalaking alokasyon para sa DPWH projects, kasunod ang distrito ni House Appropriations Committee Chairperson Mikaela Suansing.

Ayon kay Dy, mali at nakaliligaw ang mga ulat na may umano’y palihim na pagdaragdag ng pondo o mga probisyon sa BICAM.

Binigyang-diin niya na ang lahat ng panukalang probisyon sa bersyon ng Kamara ay dumaan sa itinakdang proseso at inaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa bago pa man magsimula ang bicameral conference.

--Ads--

Ipinaliwanag din ng Speaker na ang tungkulin ng BICAM ay limitadong pag-isahin ang mga bersyon ng Senado at Kamara, at hindi upang magpasok ng mga bagong panukala na hindi napagkasunduan ng dalawang kapulungan.

Tiniyak ni Dy na bukas, legal, at transparent ang proseso ng paggawa ng pambansang badyet at iginiit na ang 2026 DPWH budget ay nakatuon sa kapakanan ng publiko, hindi sa pansariling interes.