Wala pang namomonitor na grupo ng mga carnappers sa buong probinsya ng Isabela sa kasalukuyan, ayon sa Isabela Provincial Highway Patrol Team (HPG).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, provincial officer ng HPG Isabela, sinabi nito na may mga naitatala lamang na mangilan-ngilang insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa probinsya.
Ayon kay PMaj. Bagayao, batay sa kanilang mga nakalap na impormasyon at sa isinagawang beripikasyon ng kanilang imbestigasyon, kadalasang nawawala ang mga motorsiklo dahil naiiwan ng mga may-ari ang susi ng kanilang sasakyan.
Dahil dito, muling nagpaalala ang HPG sa publiko na maging maingat upang makaiwas sa carnapping.
Pinayuhan rin niya ang mga may-ari ng motorsiklo na huwag iwanan o iparada kung saan-saan ang kanilang sasakyan at tiyaking ipaparada ito sa mga itinalagang parking area, lalo na sa mga lugar na mayroong CCTV kung maaari.
Inirekomenda rin ng HPG ang paglalagay ng karagdagang seguridad tulad ng kadena, padlock, o alarm system upang mas maprotektahan ang sasakyan laban sa pagnanakaw.
Ayon pa kay Bagayao, hindi dapat manghinayang ang mga may-ari sa maliit na gastusin para sa seguridad ng kanilang motorsiklo dahil mas malaki ang mawawala kung tuluyang mananakaw ang kanilang sasakyan.
Samantala, nagbigay rin ng paalala ang HPG sa mga motorista kaugnay sa kaligtasan sa kalsada.
Ayon kay Bagayao, upang makaiwas sa aksidente ay dapat umiwas sa pagpapatakbo ng sasakyan nang masyadong mabilis at panatilihin lamang sa humigit-kumulang 60 hanggang 80 kilometro bawat oras ang takbo sa mga national at provincial roads kung hindi naman nagmamadali.
Pinayuhan din ang mga motorista na huwag magmaneho kapag nakainom ng alak at laging isaalang-alang ang kaligtasan ng sarili, ng mga pedestrian at ng kapwa motorista sa kalsada.










