CAUAYAN CITY – Isinusulong sa Kamara ang hybrid-budgeting system para sa 2020 national budget at maaaring gamitin ang cash-based budgeting at obligation-based budgeting
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Congressman Antonio Albano ng 1st District ng Isabela na mas maganda ang paggamit ng cash-based budgeting system subalit hindi ito maaaring maipatupad nang buo dahil sa maaaring itong masingitan ng anomalya.
Aniya, sa pamamagitan ng obligated budgeting system ay maaring obligahin ang Department of Budget and Management (DBM) na ipalabas ang itatakdang pondo ng Department of Finance (DOF), National Economic Development Authority (NEDA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kahit hindi pa nakikita ang actual proposed budget para sa taong 2020.
Saka lang aniya papasok ang cash-based budgeting kung mayroon nang performance allocation ng mga proyekto ng bawat Local Government Units (LGU’s) at ahensiya ng pamahalaan at maaaring magamit ang 80% ng cash mula sa allocated budget sa ibang mga proyekto na mas mabilis ang performance.
Paliwanag pa ni Congressman Albano na kung dati ay kada quarter ang pag-release ng budget para sa mga proyekto kahit hindi pa natatapos, ngayon ay contractor na umano ang mauunang magsisimula ng proyekto bago bayaran ng pamahalaan.
Ang kagandahan aniya ng cash-based o performance-based budget ay mapipilitan ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na gumawa ng mga magagandang proyekto upang mabigyan ng pondo.
Maliban pa dito ang maaaring pagtapyas ng pondo sa mga nakalinyang proyektong hindi natutupad at hindi umuusad.