CAUAYAN CITY – Magkakaroon ng iba’t ibang aktibidad at paligsahan ang Bureau of Fire Protection o BFP bilang bahagi ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Fire Chief Inspector Franklin Tabingo, Chief ng Operations Division ng BFP Region 2 na naging matagumpay ang isinagawang kick-off ng Fire Prevention Month sa pamamagitan ng simultaneous motorcade sa rehiyon.
Ilan sa mga aktibidad at programa na isasagawa ng BFP Region 2 sa buong buwan ng Marso ay ang tagisan ng galing at talino sa pagsayaw at pagkanta ng mga kasapi ng BFP mula sa iba’t iba nilang tanggapan sa Rehiyon.
Magkakaroon din ng All female fire olympics na magpapakita sa galing ng mga kababaihang Bombero bilang pahagi rin ng Women’s Month.
Ipapakita ng mga kababaihang bombero ang kanilang galing sa pag-apula ng sunog at pagligtas sa mga biktima.
Ito ay bilang pagkilala sa 40% na mga kasapi ng BFP ay mga kababaihan kaya kailangan silang ma-empower.
Magkakaroon din ng photo-shots contest na may kaugnayan sa temang “Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa”
Sa ikalabing-anim hanggang ikalabimpiyo ng Marso, ang BFP Team region 2 ay lalahok sa National Fire Olympics na gaganapin sa Lunsod ng Cebu.
Magpapadala ang BFP Region 2 ng 30-man team na lalahok sa iba’t ibang events sa National Fire Olympics.
Magkakaroon din ng Community related works kung saan makikipag-ugnayan sila sa mga barangay para sa “Oplan Ligtas mamamayan”.
Mas lalo pa anya nilang bubuhayin ang Committee Fire Auxilliary Group o CFAG na ang mga kasapi ay mga barangay Tanod na magiging first responder kapag nagkaroon ng sunog sa kanilang mga barangay.
Magkakaroon din ng mga fire drills sa mga paaralan at mga bahay kalakal na nag-request sa BFP.