Ibinunyag ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na may umano’y inilabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Bong Go at dalawang dating pulis.
Ayon kay Duterte, mula raw ito sa isang “highly reliable source,” ngunit nilinaw niyang wala pa itong opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC.
Dahil dito, kinuwestyon ng mambabatas ang umano’y paggamit sa ICC bilang “political weapon” laban sa mga kalaban sa pulitika ng kasalukuyang administrasyon.
Matatandaang nauna nang sinabi ni dating Senator Antonio Trillanes IV na maaaring isa si Go sa mga “co-perpetrators” na tinutukoy ng ICC kaugnay ng kontrobersyal na kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Go ay dating nagsilbing Special Assistant to the President noong panahon ng panunungkulan ni Duterte.
Samantala, pinabulaanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni Duterte. Ayon sa mga ahensya, wala silang natatanggap na anumang pormal na impormasyon o dokumento hinggil sa sinasabing ICC warrants.
Dagdag pa ng PNP, kung sakaling may legal na utos mula sa tamang awtoridad at dumaan sa wastong proseso, handa silang ipatupad ito alinsunod sa umiiral na batas.









