Nanindigan ang International Criminal Court sa pagiging independent nito at walang kinikilingan matapos tawagin ni Vice President Sara Duterte na “tuta” umano nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Senador Antonio Trillanes IV.
Matatandaang tahasang sinabi ni Duterte sa kaniyang talumpati sa harap ng kanilang supporters sa labas ng ICC headquarters sa The Hague na, “Ang ICC ay lapdog ni Trillanes at ni Marcos”. Inakusahan niya ang dalawa na nakikipagsabwatan umano sa ICC para arestuhin ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng “War on Drugs”.
Pinanindigan din niyang “unconstitutional” o labag sa batas ang anumang imbestigasyon ng ICC sa Pilipinas.
Subalit, iginiit ni ICC spokesperson Oriane Maillet na ang tribunal ay isang international judicial institution na nagpapatupad ng mandato nito nang may kalayaan at neutralidad alinsunod sa Rome Statute.
Nilinaw din ng ICC na hindi na sila magbibigay ng partikular na reaksyon o personal na komento ukol sa mismong mga salita at patutsada ng Bise Presidente.
Una naman nang pinalagan ng Malacañang ang mga paratang ni Duterte at tinawag itong “walang basehan, walang saysay, at useless.
Binuweltahan din ni dating Senador Trillanes ang pahayag ng pangalawang pangulo at sinabing hindi tuta ng kahit sino ang naturang international tribunal.
Matatandaang isa si Trillanes sa mga naghain ng communication sa ICC noong 2017 na naglalayong imbestigahan noon ang libu-libo umanong pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng dating pangulo.











