Inilabas na ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) ang mga alituntunin para sa nalalapit na paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity.
Sa isang 23-pahinang desisyon na inilabas nitong Biyernes ng gabi, itinakda ng ICC Trial Chamber III ang mga panuntunan at iskedyul para sa pagdinig ng kaso, na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30.
Kabilang sa mga itinakdang deadline ang pagsusumite ng mga pre-trial document, kabilang ang trial briefs na naglalaman ng listahan ng mga testigong ihaharap ng bawat panig sa paglilitis.
Ayon sa kautusan ng korte, hanggang Agosto 31 ang prosekusyon upang isumite ang kanilang trial brief. Samantala, binigyan naman hanggang Setyembre 28 ang mga legal na kinatawan ng mga biktima at hanggang Oktubre 30 ang kampo ng depensa para sa kanilang mga dokumento.
Magsisimula ang paglilitis sa pamamagitan ng pagbubukas na pahayag ng bawat panig bago isunod ang presentasyon ng mga testigo at iba pang ebidensiya.
Sinabi ng korte na maglalabas ito ng hiwalay na desisyon hinggil sa haba at iskedyul ng presentasyon ng ebidensiya ng prosekusyon matapos matanggap ang kanilang pinal na listahan ng mga ebidensiya.
Ang mga tuntunin para sa presentasyon ng ebidensiya ng depensa at ng mga kinatawan ng mga biktima ay ilalabas naman sa susunod na yugto ng pagdinig.
Inaprubahan din ng mga hukom ang mga gabay para sa pagpapakita ng iba’t ibang uri ng ebidensiya, kabilang ang mga dokumentaryo, digital, at pisikal na materyales.
Nakasaad din sa mga alituntunin ang mga espesyal na hakbang para sa proteksiyon ng mga testigo, kabilang ang paggamit ng pribado o saradong sesyon kung kinakailangan upang mapangalagaan ang kanilang seguridad at pagkakakilanlan.
Samantala, maglalabas din ang ICC ng mga pampublikong bersyon ng mga dokumento at transcript ng mga pagdinig na may tinanggal o itinagong sensitibong impormasyon.
Nakatakda ring idaos ng Trial Chamber III ang ikalawang status conference sa Martes. Muli namang pinayagan si Duterte na hindi dumalo sa naturang pagdinig.











