Maghahain ang prosecution team ng International Criminal Court (ICC) ng limang testigo na personal na haharap sa hukuman bago matapos ang taon, kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinumpirma ito ni ICC Senior Trial Lawyer Julian Nicholls sa ikaapat na status conference ng kaso nitong Martes, matapos hingin ni Presiding Judge Joanna Korner ang kumpirmasyon sa bilang ng mga testigong inaasahang haharap bago magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.
Ayon kay Nicholls, nakatakdang tumestigo ang limang indibidwal na tinutukoy lamang sa pamamagitan ng mga numerong code upang maprotektahan ang kanilang pagkakakilanlan.
Samantala, hiniling ng depensa ni Duterte na iakma ang iskedyul ng paglilitis upang mabigyan ng sapat na panahon ang kaniyang pamilya na bumisita sa kaniya sa detention facility sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa defense counsel na si Peter Haynes, mahalaga ang mga pagbisita ng pamilya kaya hiniling nitong magkaroon ng mga pahinga sa paglilitis at maagang ipaalam ang iskedyul ng mga pagdinig.
Sinabi naman ni Judge Korner na isasaalang-alang ng hukuman ang naturang kahilingan.
Nakaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay na iniuugnay sa kaniyang kampanya kontra droga. Itinatanggi niya ang mga paratang laban sa kaniya.










