--Ads--

Hiniling ng prosecutor ng International Criminal Court o ICC sa mga hukom na ideklarang fit to stand trial o karapat-dapat nang humarap sa paglilitis si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Ginawa ni ICC Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang ang kahilingan matapos isumite ng panel ng mga medical expert ang kanilang joint at individual reports sa isinagawang pagsusuri kay Duterte.

Sa filing noong Setyembre 7 na inilabas nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Niang na ipinapakita ng mga medical report na fit si Duterte para sa paglilitis.

Binanggit din niya ang umano’y nabawasang effort at pagiging hindi consistent ni Duterte sa isinagawang medical assessments.

--Ads--

Hindi isinapubliko ang mga detalye ng medical findings dahil redacted ang bahagi nito sa submission ng prosecution.

Ang Trial Chamber III ang magdedesisyon kung fit si Duterte para sa paglilitis batay sa findings ng medical panel.

Sinabi rin ni Niang na hindi na kailangan ang hiwalay na hearing tungkol sa fitness ni Duterte, dahil may mga praktikal na mungkahi ang medical panel para mapadali ang kanyang epektibong paglahok sa paglilitis.

Kung ideklarang fit ng mga hukom, magsisimula ang crimes against humanity trial ni Duterte sa Nobyembre 30.