--Ads--

Hiniling ng prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa mga mahistrado na tanggapin bilang ebidensya ang dalawang karagdagang expert reports sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa dokumentong inihain noong Oktubre 30, hiniling ni acting ICC Prosecutor Mame Mandiaye Niang sa Trial Chamber III na isama sa ebidensya ang joint expert report ng witnesses P-1071 at P-1078, gayundin ang hiwalay na ulat ni witness P-1162.

Ayon kay Niang, kinikilala bilang mga eksperto sa kanilang larangan ang dalawang unang saksi.

Samantala, sinuri naman sa ulat ni P-1162 ang paggamit ng Philippine National Police (PNP) ng deadly force sa mga operasyon kontra ilegal na droga, kabilang ang paghahambing sa bilang ng mga suspek na nasawi, nasugatan at mga pulis na namatay.

--Ads--

Batay sa pagsusuri, iginiit ng prosecutor na may sapat umanong batayan upang kuwestiyunin kung ang mga pagkamatay ay resulta lamang ng lehitimong self-defense ng mga pulis, at kung may sistematikong extrajudicial killings na naganap sa halip na lehitimong pagpapatupad ng batas.

Gayunman, kahilingan pa lamang ng prosekusyon ang pagtanggap sa mga naturang ulat at nakasalalay pa sa desisyon ng mga mahistrado ng ICC.