--Ads--

Pinaboran ng mayorya ng mga miyembrong estado ng International Criminal Court (ICC) ang pagpapatalsik kay ICC Prosecutor Karim Khan sa gitna ng mga alegasyon ng sexual misconduct at tumitinding kontrobersiya kaugnay ng kanyang mga imbestigasyon sa ilang pandaigdigang sigalot.


Ayon sa mga ulat mula sa mga diplomat at international news agencies, bumoto ang karamihan sa 125 miyembrong estado ng ICC para alisin si Karim Khan bilang prosecutor ng korte.

Dumating ang botohan halos dalawang taon matapos unang lumutang ang mga alegasyon ng sexual misconduct laban kay Khan. Gayunman, iginiit ng kanyang kampo na ang kaso ay may bahid ng pulitika at kaugnay umano ng kanyang pagtutulak ng arrest warrant laban kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.

Si Khan, 56-anyos na abogado, ay inakusahan ng isang dating junior colleague na umano’y paulit-ulit siyang hinaras at hinipuan sa hindi angkop na paraan habang ito ay nagsisilbi bilang kanyang assistant.

--Ads--

Mariin namang itinanggi ni Khan ang mga paratang. Ayon sa kanyang mga abogado, walang sapat na ebidensya ang mga alegasyon at naging hindi patas at labag sa proseso ang naging hakbang laban sa kanya.

Bago pa man ang botohan, pansamantala nang sinuspinde ng ICC si Khan sa kanyang tungkulin batay sa resulta ng isang imbestigasyon ng United Nations, rekomendasyon ng panel ng mga eksperto sa hudikatura, at iba pang isinumiteng dokumento.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, pinangasiwaan ni Khan ang mga imbestigasyon kaugnay ng mga digmaan at sigalot sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Gaza at Afghanistan. Noong 2024, naging sentro siya ng kontrobersiya matapos niyang hilingin ang pag-isyu ng arrest warrants laban kina Netanyahu at dating Israeli Defense Minister Yoav Gallant dahil sa umano’y crimes against humanity.

Samantala, sinabi ng dating European Union foreign policy chief na si Josep Borrell na ang kaso laban kay Khan ay bahagi umano ng mas malawak na pag-atake laban sa ICC.

Sa kanyang pagkakatanggal, agad na sisimulan ng ICC ang proseso para sa pagpili ng bagong prosecutor, bagama’t hindi inaasahang magkakaroon ng botohan para sa kapalit niya bago ang susunod na taon.

Nilinaw naman ng ICC na walang agarang epekto ang pagpapatalsik kay Khan sa mga arrest warrant na inilabas noong 2024 laban kina Netanyahu at Gallant dahil tanging mga hukom ng ICC lamang ang may kapangyarihang bawiin ang mga ito.