Hiniling ng prosekusyon ng International Criminal Court o ICC sa mga hukom na tanggapin bilang ebidensiya ang naunang naitalang testimonya ng isang mahalagang testigo sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isinampang mosyon nitong Setyembre 7, hiniling ng prosekusyon sa Trial Chamber III ng ICC na i-admit sa paglilitis ang recorded testimony ng testigong kinilala sa code na P-1100, alinsunod sa Rule 68(3) ng Rules of Procedure and Evidence ng korte.
Ayon sa prosekusyon, mahalaga ang testimonya sa kanilang alegasyon hinggil sa umano’y polisiya ng paggamit ng mararahas na krimen, kabilang ang pagpatay, upang “i-neutralisa” ang mga itinuturing na kriminal sa Pilipinas.
Maaari rin umanong magbigay ang testimonya ng ebidensiya hinggil sa sinasabing modus operandi ng Davao Death Squad o DDS, gayundin sa umano’y indibidwal na pananagutang kriminal ni Duterte, kabilang ang kanyang kaalaman at intensyon.
Gayunman, hindi pa isinasapubliko ang pangalan at iba pang detalye tungkol kay P-1100 dahil naka-redact ang malaking bahagi ng dokumentong inihain ng prosekusyon.
Dahil dito, lumutang ang mga tanong kung ang testigo ay kabilang sa mga dati nang nagsalita sa publiko tungkol sa umano’y operasyon ng DDS, gaya nina Edgar Matobato at Arturo Lascañas na kapwa nagpakilalang dating miyembro ng grupo, at retiradong police officer na si Cezar Mancao.
Kung pagbibigyan ng korte ang kahilingan, nais ng prosekusyon na magsagawa na lamang ng limited at focused supplementary examination sa testigo.
Tinatayang dalawang oras lamang ang kakailanganin para rito, kumpara sa pitong oras na gugugulin sana para sa buong direct examination kung hindi tatanggapin ang kanyang naunang testimonya.
Giit ng prosekusyon, makatitipid ito ng hindi bababa sa limang oras sa paglilitis at hindi naman malalabag ang karapatan ni Duterte sa depensa dahil haharap mismo sa korte si P-1100 at maaari siyang i-cross-examine ng kanyang mga abogado.
Maaari ring magtanong sa testigo ang mga hukom, ang magkabilang panig at ang mga kinatawan ng mga biktima.










