Sinabi ng mga prosecutor ng International Criminal Court o ICC na may hawak umanong ebidensya ang isang witness na tinukoy bilang P-1100 tungkol sa modus operandi ng Davao Death Squad o DDS at sa umano’y patakaran na “i-neutralize” ang mga pinaghihinalaang kriminal sa pamamagitan ng mararahas na paraan, kabilang ang pagpatay.
Sa isang public redacted filing na may petsang Setyembre 7, hiniling ng ICC Office of the Prosecutor sa Trial Chamber III na tanggapin bilang ebidensya ang naunang recorded testimony ni P-1100 at mga kaugnay na materyales.
Nanatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng witness at malaking bahagi ng kanyang testimonya. Ayon sa prosecution, mahalaga rin ang kanyang pahayag sa pagtukoy sa umano’y individual criminal responsibility ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang kanyang kaalaman at intensyon.
Sinabi ng mga prosecutor na consistent ang testimonya ni P-1100 at may ilang bahagi itong sinusuportahan ng mga dokumento at iba pang testimonya.
Kung pagbibigyan ng korte, haharap pa rin si P-1100 sa paglilitis at maaari siyang i-cross-examine ng kampo ni Duterte.
Wala pa namang desisyon ang Trial Chamber sa kahilingan ng prosecution. Nakatakdang magsimula ang trial ni Duterte sa Nobyembre 30.









