Nilinaw ng Iglesia Ni Cristo (INC) na ang kanilang rally mula Nobyembre 16 hanggang 18 ay hindi layuning guluhin ang pamahalaan, kundi isang mapayapa at legal na panawagan para sa pananagutan hinggil sa umano’y malawakang katiwalian sa mga proyektong pangkontrol sa baha at may kinalaman sa klima.
Hinihikayat ng INC ang publiko na makiisa sa panawagang ito para sa pananagutan ng mga opisyal na umano’y nakapinsala sa mga komunidad, pinabayaan ang buhay ng tao, at hindi napanagot sa loob ng mahabang panahon.
Ayon sa tagapagsalita na si Edwil Zabala, bukas din ang rally sa mga hindi miyembro ng INC na sumusuporta sa panawagang magsagawa ng malinaw at bukas na imbestigasyon sa umano’y trilyong pisong pagkalugi sa mga programa ng gobyerno sa imprastruktura.
Magsisimula ang programa sa alas-4 ng hapon sa Nobyembre 16 sa Quirino Grandstand, at inaasahang magsasalita rito ang mga ministro ng INC at iba pang tagapagsalita na sumusuporta sa nasabing adbokasiya.











