Magpapatupad ng work-from-home arrangement ang Commission on Elections (Comelec) at ipinagpaliban ang ilang aktibidad nito sa gitna ng deklarasyon ng national energy emergency dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.
Ayon sa resolusyon na ipinasa nitong Miyerkules, inaprubahan ng Comelec en banc ang rekomendasyon na ipagpaliban ang mga sumusunod na kaganapan:
– Election Expo Convention and Conference (E2C2), kabilang ang Asian Electoral Stakeholders Forum VII (AESF VII) at Philippine Election Expo (PELEX), na orihinal na itinakda noong Abril 21-23, 2026.
– National Goodwill Games, na itinakda noong Mayo 8-10, 2026.
– Lahat ng team building activities ng Comelec na may kinalaman sa travel at mataas na gastos
Ayon sa resolusyon, mananatili ang pagpapaliban “hanggang sa maging matatag ang kasalukuyang sitwasyon ng national energy emergency.”
Inutusan ng Comelec ang agarang pagpapabatid ng desisyon sa mga apektadong partido, kabilang ang mga dayuhang delegado, mga election body, at iba pang international stakeholder.
Hiniling din ng Comelec sa Procurement Management Department at Law Department na pag-aralan ang mga legal na implikasyon ng pagkansela, kabilang ang posibleng paggamit ng mga kontraktwal na probisyon para sa kanselasyon at pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Noong Lunes, inilunsad ng Comelec ang E2C2 bilang pangunahing plataporma para sa knowledge exchange at benchmarking sa election technology at inobasyon. Dito inaasahang dadalo ang humigit-kumulang 250 electoral stakeholders, civil society organizations, at mga organisasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng Asia-Pacific.
Bukod sa pagpapaliban, nagpasya rin ang Comelec na magpatupad ng work-from-home o remote work arrangement tuwing Lunes mula Abril 6 hanggang Abril 27, alinsunod sa limang araw at apatnapung oras na lingguhang trabaho ayon sa Civil Service rules and regulations.
Itinatag rin ang Comelec Emergency Response Committee, na binubuo ng Finance Service Department, Planning, at Administrative Services Department, upang magbigay ng rekomendasyon sa karagdagang paraan ng pagtitipid sa enerhiya at gastos.
Hindi saklaw ng direktiba ang mga aktibidad na may kinalaman sa paghahanda at pagsasagawa ng Bangsamoro Parliamentary Elections, 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, 2028 National at Local Elections, gayundin ang paglutas ng mga electoral controversies at iba pang pangunahing tungkulin ng Comelec.









