--Ads--

Bibigyang pagkilala ang mga kawani ng Isabela Electric Cooperative 1 (ISELCO 1) – Santiago Branch sa gaganaping ika-54 na founding anniversary ng kooperatiba sa Marso 27 sa Isabela Convention Center sa Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Noemi Valdez, Branch Office Supervisor ng ISELCO 1–Santiago, sinabi nito na anim na personnel mula sa kanilang tanggapan ang tatanggap ng loyalty awards bilang pagkilala sa kanilang matagal na paninilbihan.

Ayon kay Valdez, ang parangal ay ibinabatay sa haba ng serbisyo, kabilang ang mga empleyadong umabot na sa 15 taon o higit pa sa kooperatiba.

Binigyang-diin din niya na ang naturang pagkilala ay patunay ng dedikasyon at katapatan ng mga kawani sa kanilang trabaho, lalo’t hindi biro ang manatili sa serbisyo sa loob ng mahabang panahon.

--Ads--

Dagdag pa niya, may ilang empleyado ang hindi nagtatagal sa ganitong uri ng trabaho dahil sa hirap nito o kaya’y pinipiling magtrabaho sa ibang lugar o bansa.

Ipinaabot nito ang pagbati sa mga awardees mula sa Santiago Branch, kasabay ng panawagan na ipagpatuloy ang kanilang maayos at tapat na paglilingkod sa kooperatiba at sa mga konsyumer.