Pinalalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga at terorismo sa pamamagitan ng isang basketball developmental league na inilunsad ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) sa Brgy. Malvar Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Barangay Kagawad Rodanson Aguaitan ng Brgy. Malvar, bukas ang naturang liga sa mga manlalaro mula sa lungsod at maging sa mga karatig-bayan. Aniya, ikatlong season na ito ng liga na sinimulan pa noong 2024 bilang bahagi ng adbokasiya ng KKDAT.
Sinabi ni Aguaitan na nagsimula ang screening ng mga kalahok nitong ika-pito ng Marso kung saan isinailalim ang mga manlalaro sa drug testing at iba pang requirements bago payagang makasali sa torneo.
Dagdag pa niya, umabot sa 29 na koponan ang lumahok kabilang ang mga team mula sa Quirino Province at San Isidro, Isabela.
Inaasahang magtatapos ang naturang basketball league sa katapusan ng Abril ngayong taon.
Samantala, nanawagan si Aguaitan sa mga kabataan na makiisa sa mga programang tulad nito upang makaiwas sa ilegal na droga at mapanatili ang disiplina at maayos na pamumuhay sa komunidad.











