Nakakatanggap umano ng hindi kanais nais banta at maling pagtrato ang ilang mga linemen ng ISELCO 1 Cauayan City Branch sa tuwing sila ay nagsasagawa ng disconnection sa mga tahanan ng ilang mga konsyumer na hindi nakakabayad ng kanilang buwanang bill sa kuryente.
Ayon sa kanila, dumarating sa punto na sila ay kine-kwelyohan, minumura, at minsan ay pinagbabantaan pa ng ilan sa mga konsyumer. Kung kaya’t mas pinipili nalang umano nilang manahimik at umalis upang maiwasan ang mas matinding komprontasyon.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Branch Supervisor Laarni San Antonio ng ISELCO 1 Cauayan City Branch, ipinaliwanag niya na kapag hindi nakapagbayad ang mga konsyumer ng dalawang buwan ay dapat nilang asahan ang pagkaputol ng supply ng kuryente.
Aniya, ang dalawang buwan na palugit ay may konsiderasyon na, dahil ayon sa patakaran, isang buwan lamang ang ibingay na palugit bago sila putulan ng connection sa kuryente.
Dagdag niya, naiintindihan ng tanggapan ang hirap ng buhay na kinahaharap ng marami, kung kaya’t nagbibigay sila ng palugit.
Gayunman, kailangan ding tuparin ng mga konsyumer ang kanilang obligasyon sa pagbabayad sa power supplier upang matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo sa buong nasasakupan.
Panawagan niya sa mga konsyumer na dapat ay maging maagap sa pagbabayad ng kanilang bayarin upang maiwasan ang aberya at hindi na umabot sa punto na pagputol sa linya ng kuryente.
Umaasa rin ang pamunuan na pairalin ang pag-unawa at respeto sa mga linemen na tumutupad lamang sa kanilang trabaho.










